EXPLAINER: Ano ang provincial bus ban?

Sagot ba talaga ang provincial bus ban sa problema sa trapiko?

Aika Rey

Published: 10:17 AM July 5, 2019

Updated: 10:17 AM July 5, 2019

MAYNILA, Pilipinas – Ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kontrobersyal na ban sa mga pampublikong bus (PUB) mula sa probinsya, sa kabila ng panawagang ipatigil ito.

Ito raw, sabi ng MMDA, ay makatutulong na mapagaan ang bigat ng trapiko sa Kalakhang Maynila.

May mga mambabatas noong ika-17 na Kongreso na nagsampa ng petisyon sa Korte Suprema upang pigilin ang implementasyon nito. Ngunit patuloy na nagmatigas ang MMDA, at itutuloy pa rin daw ito.

Ano ba talaga ang layon nito?

Tungkol saan ang ban? Noong Marso nitong taon, ang Metro Manila Council, na siyang tagapamahala at tagagawa ng polisiya ng MMDA, ay nagpasa ng Regulation Number 19-002 na naglalayong ipasara ang 47 na terminal ng bus pa-probinsya sa kahabaan ng EDSA.

Pinipigilan din ng regulasyong ito ang mga lokal na pamahalaan na magbigay ng mga business permit sa mga operator ng bus na nagnanais na magtayo ng terminal sa EDSA sa hinaharap.

Noong una, plano ng MMDA na ipatupad ang ban simula Hunyo, ngunit may mga kinakailangan pa raw silang isumite sa Kagawaran ng Transportasyon.

Habang hindi pa ipinasasara ang mga terminal, nagsimula nang pagbawalan ng MMDA na magbaba o magsakay ng mga pasahero sa kahabaan ng 23.8 na kilometrong highway na ito.

Ano ang isyu? Ayon sa datos ng MMDA, tinatayang may 367,738 na sasakyang dumaan sa EDSA noong 2017.

Sa bilang na ito, 3% lamang ang mga pampublikong bus habang ang mga pribadong sasakyan naman ay umabot sa 67%.

Kung tuluyang mangyayari ang ban, nasa 8,000 bus pa-probinsya ang maaapektuhan o two-thirds ng 12,000 rehistradong PUB sa Maynila. Ang natitirang one-third nito o 4,000 ay mga bus panlungsod.

Ayon sa MMDA, sumakay na lang daw ang mga pasahero ng panibagong jeep or bus sa mga pansamantalang terminal papunta sa mga destinasyon nila sa loob ng Kalakhang Maynila.

Ang problema rito, wala namang masyadong mapagpipiliang terminal ang mga komyuter. Para sa mga manggagaling sa North, sinasabi ng MMDA na bumaba na lamang sila sa terminal sa Valenzuela City, na kung saan may itatayong pampublikong terminal sa hinaharap.

Para naman sa mga manggagaling mula sa South, puwede raw nilang gamitin ang terminal sa Sta Rosa, Laguna, o kaya naman ang Parañaque Integrated Terminal Exchange na siyang naka-partial operation sa ngayon.

Ayon kay Jedd Ugay, isang transport economist, ang epekto ng panukala ay kabaligtaran ng nais ng gobyernong mangyari dahil sa "car-centric view" ng polisiyang ito.

Aniya, ito'y dagdag na pamasahe, oras sa biyahe, at karagdagang pabigat sa mabigat nang trapiko.

Tuloy pa rin? Nitong Mayo, may mga kongresistang taga-Bikol na nagsampa ng petisyon sa Korte Suprema upang pigilin ang implementasyon nito, na tinawag nilang "hindi patas at lubos [na] mapang-api."

Sa kaniyang petisyon, sinabi ni Albay 2nd Representative Joey Salceda na ang pagbabawal sa mga PUB ay "makakaapekto sa ekonomiya, magdudulot ng malaking abala, at dagdag na gastos" para sa mga komyuter papunta o galing sa Bisayas at Bikol.

Sinabi niyang nakaligtaan ng MMDA ang mga prangkisang ibibigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga sumusunod:

14,000 na bagong premium taxis

2,000 na bagong point-to-point buses

Mga bagong UV Express van, na ginagawang point-to-point na rin ng gobyerno

Mga prangkisang ibibigay sa operator ng Grab

Sa kabila nito, mukhang hindi patitinag ang MMDA.

Sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na patuloy pa rin nilang ipatutupad ang panukala habang wala pang desisyon ang Korte Suprema.

Sagot ba talaga ang provincial bus ban sa problema sa trapiko? – Rappler.com

Animasyon ni Janina Malinis