[EDITORIAL] #AnimatED: Puro bukbok ang diskarte ng gobyerno sa krisis sa bigas

Pilit ang palusot, at balubaluktot ang mensahe ng gobyerno, tungkol sa krisis sa bigas – dahil sablay ang istratehiya sa simula pa lang

Rappler.com

1:0:0am September 3, 2018

1:54:49am September 3, 2018

Kung nasisikmura ni Agriculture Secretary Manny Piñol na kumain ng kaning may bukbok, hindi ng taumbayan.

At lalong di natin masisikmurang magsaing ng bigas na binugahan ng kemikal.

Kung totoong ligtas kainin ang weevil-infested rice, bakit pa nag-fumigate?

Ipagpalagay nating patay na ang mga bukbok, andiyan pa rin ang katawan ng mga patay na insekto! Andiyan pa rin ang tae ng mga ito! At may kemikal pa! Inay ko po! 

At hindi pa natapos ang buhol-buhol na palusot ng gobyerno. Tiisin na raw natin ang mataas na presyo ng bigas, sabi ni Piñol, nakikinabang naman ang mga magsasaka!

Hindi niya binanggit na rice traders at middlemen ang tumatabo sa nagaganap na rice crisis. Hindi rin niya binanggit na bumibili rin ng mahal na bigas ang mga magsasaka at, sa kabuuan, mas maraming bigas ang kinukunsumo ng mga magsasaka kaysa inaani nila.

Isa pang kalokohan ni Piñol: hindi raw mataas na presyo ng bigas ang ugat ng inflation; reaksiyon lang daw ito sa mataas na presyo ng krudo at mataas na palitan ng dolyar.

May henyong solusyon pa si Piñol: tanggalin na raw ang pagkain sa pagkuwenta ng inflation! Aba’y ginagawa pa tayong tanga ng mga opisyal ni Pangulong Rodrigo Duterte! Kahit sinong estudyante ng economics ay makapagsasabing ang sinusukat ng inflation rate ay ang pagtaas ng presyo ng consumer goods.

At magkano ang nilustay ng National Food Authority sa inangkat na bigas na ngayo’y bumaba na ang kalidad?

Hunyo pa lang ay nagsimula nang dumating ang inangkat na bigas mula sa Vietnam at Thailand. (Read: The alarming depletion of NFA rice under Duterte’s watch

Ang nakabubuwisit na dahilan bakit natengga ang bigas sa mga barko at pinutakte ng bukbok: maulan daw at hindi puwedeng mabasa ang bigas dahil mabubulok!

Sa loob ng dalawang buwan, walang diskarteng naisip ang lahat ng rice traders kaya’t hindi naibaba ang mga bigas? Talaga? O naghintay silang lalo pang tumaas ang presyo ng bigas para lalong tumaas ang tutubuin nila?

Kaya't naisip naman ni Piñol na payagan na raw ang smuggling ng bigas. Ano raw? Payagan ang bawal at ilegal? Bibigyan pa ng trabaho ni Manong Manny ang mga pirata sa Mindanao?

Huminga nang malalim, mga kababayan.

Ayon kay JC Punongbayan, kolumnista ng Rappler na nagtuturo ng economics sa UP, walang ibang puwedeng sisihin sa krisis sa bigas, lalo na sa Zamboanga City at Basilan. (Read: Filipinos don’t deserve fumigated nor weevil-infested rice)

Ang ugat ng problema ay ang di wastong pamamahala ng NFA – na hinaluan pa ng mga eksena ng kalihim ng palabigasan, este agrikultura. 

May mga ulat din na nakinabang umano ang mga kaibigan ng Pangulo sa mga kontratang maaga pa lang ay nabakuran na.

At tulad ng nangyari sa inflation at giyera kontra-droga, muling ipinamalas ng administrasyong Duterte na salat ito sa kahusayang magpalakad ng gobyerno o kampanya. Walang istratehiya, maliban siguro sa paano makikinabang ang mga nakaluklok sa puwesto. Walang sentido-komon na umiiral. 

Hindi rin masisisante ang mga bugok at bulok na opisyal na nagdala sa bayan sa krisis tulad nina Jason Aquino ng NFA at Piñol. Ayon kay Pangulong Duterte, buo ang tiwala niya sa mga ito. Matibay talaga ang pagkakaibigan!

Puro tumbling at gimik lang ang ginagawa ng mga nasa pamahalaan – ibabaon sa binubukbok na bigas ang katotohanang korupsiyon at kainutilan ang puno’t dulo ng lahat. – Rappler.com