Natatagong ginto ng Jomalig

Isa ang mga pulong ito sa pinakamalayong lugar sa probinsya ng Quezon. Kailangan mong bumiyahe nang mahigit 10 oras mula sa Maynila upang marating ang natatanging paraiso, ang gintong isla ng Jomalig.

Inee Martinez

3:36:2am August 8, 2017

1:55:39am August 9, 2017

JOMALIG ISLAND. Kailangan mong bumiyahe nang mahigit 10 oras mula sa Maynila upang marating ang natatanging paraisong ito.

JOMALIG ISLAND. Kailangan mong bumiyahe nang mahigit 10 oras mula sa Maynila upang marating ang natatanging paraisong ito.

This blog won MovePH's #SharePH 2017 summer contest. This originally appeared on X, Rappler's self-publishing platform. 

MANILA, Philippines – Malayo sa kabihasnan. Payapa. Malinaw na tubig. Saganang yamang-dagat. Matatayog na puno ng Aguho. Higit sa lahat, gintong buhangin.

Isa ang mga pulong ito sa pinakamalayong lugar sa probinsya ng Quezon. Kailangan mong bumiyahe nang mahigit sampung oras mula sa Maynila upang marating ang natatanging paraiso – ang gintong isla ng Jomalig.

Bagama't ang isla ay mayroon lamang sukat na 5,665 ektarya at itinuturing na pinakamaliit na isla sa Quezon, ito ay nahahati pa rin sa 5 barangay: Bukal, Casuguran, Gango, Talisoy, at Apad.

Ang pangalan ng isla ay hango sa salitang "humalik" na di kalaunan ay naging Jomalig.

KALMADONG DAGAT. Ang kanilang mga dalampasigan ay sagana sa yaman. Ito ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga Jomaligin.

KALMADONG DAGAT. Ang kanilang mga dalampasigan ay sagana sa yaman. Ito ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga Jomaligin.

Ang Jomalig ay kasama sa mga ilang lugar sa Pilipinas na hindi pa naaabot ng kuryente at ang tanging nagbibigay liwanag sa gabi ay ang mga mumunting lampara. Simple at payak ang pamumuhay sa Isla Jomalig – walang magagarbong hotel o kaya’y bahay tuluyan.

Ang natatanging paraan lamang upang magkaroon ng pahingahan ay ang paggamit ng camping tent o kaya’y mga hammock o duyan habang nakatali at nakasilong ang mga ito sa mga nagtataasang mga puno. Kailangan mo ring mag-igib ng tubig mula sa poso dahil hindi pa uso ang gripo dito.

Kaiba sa mga nabisita ko nang mga isla, ang Jomalig ay napapalibutan ng pinong-pino at kulay gintong buhangin. Ang kanilang mga dalampasigan ay sagana rin sa yaman kung saan ito ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga Jomaligin. Ang kanilang malinamnam na sugpo at hipon ay talaga namang panglaban.

Isa rin sa mga dinarayo ng mga turista sa isla ay ang kanilang napakagandang karagatan. Ang tubig dito ay sadyang napakalinaw at bughaw na bughaw na animo’y nakasuot ka na ng goggles sapagkat kitang-kita mo ang itinatago nitong kayamanan sa ilalim ng dagat – ang mga corals at iba’t ibang uri ng isda. 

SELFIE. Si Inee Martinez, ang may-akda, sa ilalim ng bughaw ng karagatan ng Jomalig.

SELFIE. Si Inee Martinez, ang may-akda, sa ilalim ng bughaw ng karagatan ng Jomalig.

Dahil sa liit ng sukat ng isla ay maari mo itong malibot nang isang araw gamit ang habal-habal o kaya'y bangka.

Bukod sa Instagram-worthy at picture perfect ang islang ito, ang mga Jomaligin ay may natatagong yaman na kailanman ay hindi kukupas – ito ay ang kanilang mga ginintuang puso.

Pagkababa pa lamang ng bangka ay siguradong sasalubungin ka ng mga ngiti ng mga batang Jomaligin. Sasamahan ka rin nila hanggang marating mo ang lugar kung saan nais mong magtayo ng tent. Papatuluyin ka naman ng ibang lokal sa kanilang tahanan at walang alinlangang ipapagamit ang kanilang mga palingkuran upang ikaw ay makapagbanlaw nang maayos. Walang tinatalagang halaga ang mga tao rito kung magkano ang iaabot mo sa kanila. Sapat na ang sa kanilang makita na nasiyahan at nakaligo nang maayos ang kanilang mga bisita.

BATA NG JOMALIG. Pagkababa pa lamang ng bangka ay siguradong sasalubungin ka ng mga ngiti ng mga batang Jomaligin.

BATA NG JOMALIG. Pagkababa pa lamang ng bangka ay siguradong sasalubungin ka ng mga ngiti ng mga batang Jomaligin.

Upang suklian ang mainit na pagtanggap ng mga lokal sa mga turista, may kalimitang mga dalang groseri o gamit sa paaralan ang may dayo upang suklian ang kabutihan ng mga nanirahan rito.

Talaga namang sulit ang sampung oras na biyahe ng bakasyonista upang marating ang isla at tiyak namang mahuhumaling ka sa Jomalig.

Malayo sa kabihasnan. Payapa. Malinaw na tubig. Saganang yamang-dagat. Matatayog na puno ng Aguho. Gintong buhangin. Higit sa lahat, ang gintong mga puso ng mga Jomaligin. – Rappler.com

By Inee Martinez

Originally published under Rappler X